Quick Finds

Custom Search

Let Customers Pay You Thru Paypal

Sign up for PayPal and start accepting credit card payments instantly.

Tuesday, March 17, 2009

Salamat Sa Musika


Halos naman siguro ng kabataan noong panahon ko ay nakisabay sa awitin ng Eraserheads. Sino nga ba sa mga kasabayan namin ang hindi makakakilala sa kanilang apat? Nang sumikat sila, naglabasan na ring parang mga kabute ang iba't ibang grupo ng bandang tumutugtog at nag-define sa bagong henerasyon.

Nawala sa uso ang mga solo artists. Napuno ng tugtugang banda ang lahat ng radio stations. Eraserheads, Alamid, Yano, The Youth, After Image, True Faith, Introvoys, The Dawn, Rivermaya, Put3ska, Tropical Depression. Unahan sa pangongolekta ng mga tapes (hindi pa kasi uso ang cd). Unahan sa scoop sa kung sinong banda at anong kanta ang nag number 1 sa Top 20 at 12 ni Triggerman sa LS. Aaaah, dekada nubenta.

Sumikat ang Long Hair. Sumikat ang mga itim na t-shirts na may mga imprenta ng mga mukha ng foreign at local bands. Halos lahat ng makita mong grupo nang mga kabataan ay may mga hawak na gitara. Buhay na naman ang rakenrol!

Muling binisita at nagbigay pugay ang mga bagong banda sa mga old rakistas na katulad nila Heber, Pepe Smith, Juan Dela Cruz at Mike Hanopol.

Kung ilalarawan mo ang 90s, pwede mo siyang ilahad sa ilang mga kataga: "Panahon ng Banda".

Taong 1995 nang kumalat ang balita sa unibersidad namin: MAGCO-CONCERT DAW ANG EHEADS!!!!!!


Posible ba? Alanganin kami.

Nakapag concert na ang Alamid at Yano sa Auditorium. Bumisita na rin ang Introvoys at tumili ang mga kolehiyala kay Paco Arespacochaga. Pero darating ang Eheads? Malabo ata yan.

Makalipas ang ilang linggo, nakumpirma ang balita sa pamamagitan ng mga posters na ipinaskil sa mga puno, sa mga pader, sa mga tricycle- Confirmed na! May Concert ang Eheads sa Auditorium. May mga kasama daw na ibang banda-mga front- pero hindi na namin inintindi.

Ang tanging inintindi lang naming barkada ay kailangang makabili kami ng ticket na kulay green na ibinebenta ng isang fraternity/organization na sponsor ng concert. At dahil kasama ko sa bahay ang isa sa mga organizers, madali kaming nakabili ng ticket.


Concert Day- preparado na kami. Hindi pa uso ang cellphone kaya bago maghiwalay sa eskwelahan ay nag-usap usap na kami kung anong oras at saan kami magkikita-kitang magkakabarkada. Napagkasunduan na rin kung saan kami tutuloy pagkatapos ng concert. Kasado na ang lahat.

Nakapila na kami sa harap ng Auditorium nang may narinig kaming ingay. Bumigay ang Front Glass Window at Door ng Audi dahil sa sobrang dami ng taong nagsisiksikan sa harapan. Mabuti at walang stampede. Kung nagkataon pala, kami ang orig, at mas sikat kami sa Ultra Stampede ni Willie Revillame.

Sa una pa lang ay malinaw na ang usapan. Hindi kami uupo sa gawing harapan (alam kasi naming dadagsa ang tao doon). Sa itaas kami tatakbo at magse-save ng upuan para sa mga kasamahan namin. Pagkapasok na pagkapasok namin sa auditorium ay para kaming mga langgam na nakawala at kani-kanyang nagtakbuhan paakyat sa 2nd level ng auditorium.

Nag-uumpisa na ang concert, tumutugtog na ang bandang ewan. Pero hindi sila pinapansin dahil ang hinihintay ng tao ay ang pagpasok ng Eheads.

Hanggang sa natapos na ang mga Front Act. Nag-alisan na ang mga tao sa stage. Lahat sa audience ay tutok ang mga mata sa stage. Isinarado ang telon. Tahimik ang buong paligid.

Pagbukas ng telon, naroon na ang apat, nakahawak sa kani-kanyang instrumento. Tandang tanda ko pa ang suot ni Ely-T shirt na pula na may tatak na Adidas.


Rakrakan Na!


Mabilis ang oras. Tumatakbo ng hindi napapansin. Sunud-sunod, walang pahingang tinutugtog ang mga kanta habang sumasabay ang audience. Hindi mo na halos marinig ang boses ni Ely dahil mas malakas pa ang boses ng katabi mong lumilitaw ang litid sa leeg habang kumakanta.

Hanggang sa narinig ang intro ng Huling El Bimbo. Pawisan ang mga tao sa init sa loob ng auditorium pero tuloy sa pagsabay sa pagkanta ng banda. At bago pa matapos ang kanta, nagulantang ang lahat sa pag-akyat sa stage ng isang pamilyar na mukha- nagpa epal pala ang isa naming kaklase. Umakyat sa stage ang bruho/bruha para mapahiran ng panyo at mahalikan ang nagpapawis na mukha ni Ely.

At natapos ang konsiyerto.





Lumipas ang maraming taon......
Di na tayo nagkita.................
Balita ko'y naghiwa-hiwalay na kayo.....
At may kanya-kanya nang banda..........


Hindi ko na nabalitaan ang naging puno't dulo ng hiwalayan ng Eheads. Pero aaminin kong isa ako sa nalungkot sa paghihiwalay nila. Anu't anuman, nais kong pasalamatan ang bandang nag- define sa aming henerasyon.


Salamat Eraserheads.

Salamat Sa Musika.

1 comment:

Get Your Paypal Account Now!

Sign up for PayPal and start accepting credit card payments instantly.